Thursday 6 September 2012

Nanalo ako ng Jackpot sa LOTTO (kunwari): Itong Gagawin Ko.

Binalak ko noon na kapag mananalo ako sa Lotto ng higit isang daang milyon, magpapatayo ako ng dream house ko, bibili ng lupa, magtatanim ng prutas at gulay at ibebenta ng murang mura; mag dodonate sa Gawad  Kalinga, mag-aaral ng Film Making sa abroad; bigyang kabuhayan ang mga mahihirap; tumulong nang tumulong; magnegosyo; magtatabi sa banko at hayaang dumami; bibili ng lahat na bagay at pagkain na gusto ko.

Masarap isipin kung magkatotoo.
Pero napagtanto ko, hindi yan ang buhay na gusto ko. Hindi sukatan ang pera upang maging maligaya ang isang tao. Hindi pera ang sukutan upang masasabi mo na maayos at matiwasay ang buhay mo.

Sa trabaho ko, may mga pagkakataon na malaki ang natatanggap ko kapag nakatsamba ng malaking proyekto. Kapag hawak ko na ang malaking pera, sumasakit ulo ko sa kaiisip kung anong gagawin ko dito. Kung ano bibilhin ko; kung sino ang ililibre ko. Nabibili ko nga ang mga ninanais ko pero bakit hindi ako lubusang masaya? Di ba yan ang isa sa mga motibasyon ko na maging secure financially noong nag-aaral pa ako o ng sino man, lalung lalo na yung nakaranas ng hirap? sa mga nagtiis sa instant noodles at sardinas sa araw-araw; sa taong may iisang pares lang ng sapatos na ilang taon ng isinusuot? sa bawat pamilya na walang maayos na tirahan na sa tuwing uulan ay perwisyo dahil sa tumutulong tubig sa bubungan. Sa estudyanteng ginawang hobby ang mag promisory note tuwing exam, walang sapat na baon, parati bang gutom at minsan absent dahil walang pamasahe. O kahit mayaman na, gustong yumaman pa kaya lahat ng negosyo na patok, papasukan. Nag-aral ng pangmayamang kurso para pagkagraduate, pangmayaman na trabaho din ang babagsakan. 

Pera nga ba ang nagpapatakbo sa mundo?
Para sa iba, oo.

Wala sa isang daan ang laman ng bulsa ko ngayon pero hindi naman ako malungkot dahil doon.
Kung may sampung libo ako ngayon, magiging masmasaya kaya ako?
Hindi siguro. Dahil para sa akin, hindi pera ang nagpapasaya o kumukumplento sa buhay ko.

Ang simpleng usapan at tawanan sa loob ng bahay ang nagbibigay saya sa akin. Ang mapabuti ang nararamdamang bigat ng loob ng isang kaibigan; ang pagsasalo salo sa konting handaan tuwing espesyal na okasyon na kasama ang mga mahal sa buhay; ang manood ng basketbol sa tv na nagsisigawan at naghihiyawan; ang makikain sa bahay ng kaibigan; ang mapatawa ang taong malungkot; ang tumambay sa kanto; ang magkantahan sa tugtog ng gitara kasabay ang mga kaibigan.

Di ba mas masaya ang buhay kung maganda ang relasyon mo sa mga tao sa paligid mo? Kung nagdadamayan at sinusuportahan ang isa't isa? Yung walang lamangan at inggitan? Yung masaya lang kung masaya at malungkot kung malungkot. Hindi kailangang maranasan ang marangyang buhay para masasabi mo sa sarili na masaya ka. 

Aanhin mo ang Ipad 2 at Iphone 4s kung masama naman ang ugali mo at namimili ka ng kakaibiganin, yung mga taong may gadgets din kagaya mo. Aanhin mo ang kabi-kabila mong negosyo kung hindi ka marunong makipagkapwa-tao. Kung ang tingin mo sa mga taong marurumi ang kuko at madumi ang balat ay may masamang balak na sa iyo. Aanhin mo ang mala mansiong bahay na naka aircon bawat kwarto kung hindi naman nagkakaintindehan ang mga nakatira dito? Aanhin mo ang magagarang suot at kotse mo kung hindi ka marunong tumingin sa mga nangangailangan at tugunan ito? Aanhin mo ang yaman mo kung wala kang kinikilalang Diyos kundi ang pera mo? 

Okey lang sa akin ang manalo sa Lotto. Okey rin na hindi. Tataya pa rin ako. Ang sa akin lang, hindi sana ako mapasama kung mananalo man ako. Alam ko sa sarili ko na hindi kailanman pera ang sagot sa lahat ng problema. Lalung lalo na hindi ito magbibigay kahulugan sa buhay ko. Ang mamuhay ng may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ang pinakaninanais ko. Bonus na lang siguro kung bibiyayaan ako ng maraming pera. Ganunpaman, gagamitin ko ito para ibalik sa Diyos ang ibinigay niya sa akin sa paraang mapeplease ko Siya. Higit pa sa jackpot sa Lotto ang makaharap ang Diyos at sabihin sa'yo, "Well done, good and faithful servant! You have been faithful with a few things; I will put you in charge of many things. Come and share your master’s happiness!" Matthew 25:21

Gusto kong maalala ako ng tao, hindi sa kung gaano ako kalaking tumulong o magbigay, kundi kung gaano kalaki at kayaman ang puso ko sa pagmamahal sa kanila at sa Diyos.



"And what do you benefit if you gain the whole world but lose your own soul? Is anything worth more than your soul?"  Matthew 16:26






No comments:

Post a Comment